Araw ng mga puso sa likod ng rehas na bakal

May katuturan pa kayang

Araw ng Puso’y ipagdiwang

Ng masang aba’t api ng mga may kapangyarihan–

Na katiting mang hustisya’y pinagkakaitan?

Paano babatiin ng “Happy Valentine!”

Magsasakang iwinalay sa minamahal,

Dinakip isang linggo bago maikasal?

Puso’y nangungulila mahigit nang sampung buwan

Di nasisilayan sinisinta ni minsan.

Puso’y nagdurugo, nangangambang di na makasama

Dahil inakusahang “terorista”

Tinaniman ng baril, armalayt at granada.

Paano babatiin ng “Happy Valentine!”

Manggagawang sinakote sa labas ng tahanan

Isang bloke ang layo sa nireyd na tupada.

“Hindi naabutan ang totoong maysala,”

Anang pulis, “Mabils umiskyerda.

Umamin na lang kayo’t magbayad ng pyansa;

Agad kayong lalaya,” ang “payo” pa niya.

Laksa-laksang masa, puso’y namimighati,

Kubli ng mga rosas at pusong palamuti,

Tanawin ang panahon, Araw ng Pusong ipagdiriwang

Kapag mga buwitre’t buwaya’y naipiit na sa bilangguan.

Larawan sa kaarawan ni Rey at Cora Casambre noong Hunyo 20, 2016.
Si Rey Casambre ay isang detinidong pulitikal na sinampahan ng mga gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives, at partisipasyon sa isang umagang ambush sa liblib na Lupon, Davao Oriental kahit pa siya ay nasa House of Representatives sa araw bago ang nasabing ambush.

The post Araw ng mga puso sa likod ng rehas na bakal appeared first on Manila Today.