Isang pares*

Siblings Kala and Kai Rosales join the launch of Kapatid.

Ni OLIVER B. ROSALES

Isang pares kami ng mga mata
Matalim at malinaw
Mabibigo ang mga halimaw
Pigilang makakita

Isang pares kami ng mga bibig
Pigilan man at igapos
Malayang mananatili
Matatag at hindi manginginig

Isang pares kami ng mga paa
Tiyak at panatag
Bnabagtas na animo’y may pakpak
Sa daang ‘di man kaaya-aya

Isang pares kami ng mga kamay
Tampipi ng hangad at dasal
Nagsusumikap mula nang ikasal
Nagpapasalamat sa mga dumadamay

Isang pares kaming minaliit, piniit
May pag-asa at pananalig
Iiral ang totoo at sila’y maantig
Di bingi ang bayan sa sakit

Sa isang pares naming mga anak
Bukal ng ligaya’t liwayway
Lalaya rin ang nanay at tatay
Tahan na sa pag-iyak

Tayo ay maghahapon muli nang sabay

*Binasa ni Kai at Kala, mga anak ni Oliver at Rowena Rosales, sa muling pagtatatag ng Kapatid, mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal nitong Hunyo 15 sa Commission on Human Rights.

(http://bulatlat.com)

The post Isang pares* appeared first on Bulatlat.

Facebook Comments