29.3 C
Manila
Thursday, March 28, 2024

#LupangRamos | Tuloy ang laban sa Lupang Ramos

Lagi’t lagi kong iniibig ang panahon tuwing umuulan lalo na’t kapag malamig. Lagi’t lagi rin akong namamangha tuwing mabagsik ng ulan at nagagawa nitong isayaw ang mga puno.

Pero tila iba ata ang bagsik ng bagyong dumating sa mga magsasaka ng Lupang Ramos.

Bumabagyo noong pumunta kami sa Lupang Ramos. Isa sa mga unang bagyo pagpasok ng tag-ulan.

Humigit kumulang tatlong oras na biyahe na pinarisan pa ng malalakas na buhos ng ulan ang naging karanasan ko patungong Dasmariñas, Cavite. Pagdating sa malawak na kalupaan ay putik ang lalakaran sa mga nahawang bahagi nito. Ngunit ‘di naging balakid ‘to para alamin ang kanilang kalagayan at kahit saglit ay makipamuhay sa mga magsasaka ng Lupang Ramos. Ano ba naman ang mahabang-upuan na biyahe at putik sa aming mga paanan kumpara sa hirap na dinaranas nila?

Mapalad akong nakasalamuha ko at nakita ang kalagayan ng mga magsasaka ng Lupang Ramos. Nakita ko mismo kung gaano kalawak ang lupaing ito. Bagay na bagay upang magluwal ng mga pananim na magpapakain sa madla, ngunit kagaya ng mga kwento sa teleserye ay palaging may bagyong eeksena at sisirain ang buhay ng bida. Singlakas nga ng hagupit ng mga bagyo ang pinsalang dinulot ng pagdating ng mga bentador at ahente ng lupa.

Sa mga oras na nakapanayam namin ang ilang magsasaka ng Lupang Ramos ay kitang-kita sa kanilang mga kuwento kung gaano nila pinahahalagahan ang kanilang lupang sakahan na animo’y katumbas nito ay buhay. Buhay nga namang maituturing ang mayaman at saganang lupaing kanilang sinasaka – ang pangunahing dahilan kung bakit sila may nakakain sa araw-araw, pero lupa rin ang dahilan ng karahasan na nararanasan nila mula sa mga ganid na nangangamkam ng kanilang lupang sakahan.

Mabigat sa puso kung paano inilahad nila ang matagal at hindi pa tapos na paglaban para sa lupa, ngunit naisip ko na kahit mabigat pakinggan ang ganitong mga istorya ay kailangang tumimo sa akin na mas mabigat kapag hinayaan ko lamang na maiwan sa ere ang boses ng kanilang pakikibaka. Mas masakit kung pipiliin kong takpan ang aking tenga at magkunwaring maayos ang lahat sa hanay ng mga magsasaka ng Lupang Ramos.

Sa ikalawang araw namin sa Lupang Ramos ay binisita pa namin ang mga magsasaka sa labas ng kubol, doon sa kanilang mga sariling tahanan. Nakilala namin si Patricio Villafuerte, isa sa mga nagpasimula ng bungkalan sa Lupang Ramos.

Dinatnan namin siya habang naghihiwa ng kamote, marahil ay kanyang ihahanda para sa hapunan. Tuwang-tuwa at todo pasasalamat si Kuya Patricio sa amin dahil pinili naming makipagsalamuha sa mga magsasaka. Ngunit lingid sa kaalaman niya ay mas marami kaming napapala at natututunan sa mga katulad niyang patuloy na lumalaban para sa karapatan sa nila sa lupa.

Sa dalawang araw na inilagi namin sa Lupang Ramos ay hindi na namin naisip na mayroon palang bagyo nung panahon na iyon, iyon ay dahil ramdam na ramdam namin ang nag-aalab nilang pagmamahal para sa kanilang ipinaglalaban, mainit ang pagtanggap para sa aming noon lang nila nakilala.

Hindi naging hadlang ang bagyo sa pagpunta namin sa Lupang Ramos at hinding-hindi rin nagpapatinag ang mga magsasaka sa hagupit ng bagyo ng mga ganid at pesteng bentador ng kanilang lupang sakahan.

Padayon, tuloy ang laban!

The post #LupangRamos | Tuloy ang laban sa Lupang Ramos appeared first on Manila Today.

Latest news

- Advertisement -spot_img

Related news